Sa muling pagharap ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa pagdinig ng komite sa Senado nitong Lunes, inusisa ang napatalsik na alkalde tungkol sa kaniyang relasyon kay Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Calugay, na napag-alamang naka-medical leave kaya hindi rin nakasipot sa pagdinig sa kabila ng subpoena na inilabas laban sa kaniya.
Ang pagdinig ng komite ay kaugnay sa umano’y posibleng koneksyon ni Guo sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa kaniyang bayan sa Bamban.
Si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang nagtanong kay Guo kung ano ang relasyon niya kay Calugay matapos magpakita ng ilang larawan na magkasama sila sa isang pagtitipon.
Ngunit iginiit ni Guo, magkaibigan lang sila ni Calugay.
“Higit sa pagkakaibigan?” dugtong na tanong ni Estrada.
“Kaibigan,” sabi muli ng dating alkalde. “Hindi ko po siya boyfriend.”
Sa larawan na nakitang magkatabi sila ni Calugay sa upuan, sinabi ni Guo na kuha iyon sa isang Kasalang Bayan sa Sual, at may pang opisyal na inimbitahan.
Nagpakita rin ng larawan si Estrada na may hawak na bulaklak ang alkalde na ibinigay umano sa dating alkalde.
“Ang daming bulaklak o. Sana all. Tapos tinanggap mo, tama? Ngayon inaamin mo ba na wala kayong relasyon?” ayon kay Estrada.
“Hindi po tama ‘yung [pag]amin, dahil wala naman po kaming relasyon,” sabi ni Guo.
Tinanong din si Guo tungkol sa umano’y aquafarm na may pangalang “Alisel Aqua Farm” nahinihinalang pag-aari nila nila Calugay.
“Alam ko po, hindi siya existent. Wala pong ganu’ng farm po,” sagot ni Guo.
“Kasi if you coined the name Alisel, Ali is for Alice, Sel stands for Liseldo. ‘Di ba? Tama? Baka nagkataon lang? Ano? Are you aware of that? Hindi ba kayo owner na Alice Guo at Liseldo Calugay?” paliwanag ni Estrada.
“Wala po akong aquafarm po doon sa place nila,” tugon ng dating alkalde.
May plano umano si Guo na magtayo ng farm sa Sual pero hindi kasama si Calugay.
Naka-medical leave
Ipinapatawag din ng komite sa Senado si Calugay para tanungin tungkol sa kaugnayan niya kay Guo pero naka-medical leave ito simula nitong Lunes hanggang Biyernes.
Nauna nang inisyuhan ng komite si Calugay ng subpoena nang hindi rin siya makadalo sa pagdinig noong September 5 dahil umano sa dengue.
Sa pagdinig nitong Lunes, binasa ni Senator Risa Hontiveros, ang executive order na inilabas ni Calugay nagtatakda na pansamantalang humalili ang kaniyang bise alkalde sa pamumuno sa Sual habang naka-medical leave siya.
“Harinawa, within those four days, makadalo na finally si Mayor Calugay sa ating pagdinig,” sabi ng senadora.
Dumating naman sa pagdinig ang executive assistant ng alkalde na si Cheryl Medina.
Tinanong si Medina tungkol sa Accounts Insurance Membership ID ni Shiela Guo, na sinasabing kapatid ni Alice, na inilabas umano ng lokal na pamahalaan ng Saul.
Ngunit ayon kay Medina, wala sila ng naturang ID.
Posibleng hindi pa umano siya bahagi ng lokal na pamahalaan ng Sual nang i-isyu ang naturang ID kay Shiela.
Unang naaresto sa Indonesia sina Shiela Guo at Cassandra Ong, at sumunod si Alice Guo. Pawang ipina-deport sila sa Pilipinas.
Huling humarap sa pagdinig ng komite sa Senado si Alice noong May 22, at mula noon ay hindi na nagpakita kaya naglabas ng arrest warrant ang kapulungan laban sa kaniya.—FRJ/GMA Integrated News
Be the first to comment