Nagtamo ng mga sugat ang isang ginang at dalawang taong gulang niyang anak matapos silang matumbok at takasan ng isang tricycle sa Maynila.
Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nagtungo ang ginang na si Gloria Berlon at kaniyang anak sa Bilibid Viejo upang bumili ng ulam at sigarilyo bandang 10 p.m. ng Biyernes.
Habang naglalakad na ang mag-ina pauwi, tinutumbok na sila ng isang tricycle.
“Maya-maya ‘yung tricycle po ang bilis, hindi po namin in-expect na kami ‘yung tatamaan kasi pa-ganu’n po siya eh tapos kami naman po papasok,” sabi ni Berlon.
Hanggang sa nagdire-diretso ang tricycle at sumampa pa sa bangketa.
Kalaunan, nagulungan nito si Berlon, na kalong-kalong pa noon ang anak.
Nahulog naman ang nakaangkas na pasahero ng tricycle.
“Hanggang sa kinakaladkad niya po ako, sumisigaw po ako, ”Yung anak ko! ‘Yung anak ko!'” sabi ng ginang.
Nagtamo ng mga gasgas sa katawan si Berlon at hindi maigalaw ang kaniyang balikat.
Nagtamo naman ng bukol sa likod at gasgas sa kamay ang kaniyang anak.
Sinabi ni barangay chairwoman Jennifer Lipana Camacho na agad binigyan ng paunang lunas ang mag-ina at isinugod sa ospital upang masuri ang kanilang kondisyon.
Nagpa-blotter din sa barangay si Berlon matapos silang takasan ng tricycle driver.
“Makonsensiya ka naman po sa amin, kung sino ka man. Tulungan mo lang kami sa pampagamot, hindi ka namin aanuhin, kahit tinakasan mo lang kami. Maawa ka naman, kung napapanood mo kami ngayon,” pakiusap ng biktima.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment