Nagulat at nataranta ang mga kapitbahay ng isang ginang sa Misamis Oriental nang sumigaw ito at humingi ng tulong dahil biglang nanigas at natulala ang kaniyang walong-buwang-gulang na sanggol. Ano nga ba ang nangyari sa bata at kumusta na ang kaniyang kalagayan?
Sa video ng FYP ng GMA Public Affairs, makikita na hawak ng isang babae ang bata na si Baby Ziggy, habang dali-daling naghanap ng motorsiklo ang kaniyang ina na si May para madala sa ospital ang anak.
Ayon kay May, bago ang nakatatakot na pangyayari, galing sa lagnat at ubo ang bata. Nang araw na iyon, sinuri niya kung may lagnat pa si Baby Ziggy at lumabas sa temperature na wala na.
Ngunit kinalaunan, napansin ng kaniyang ina na mainit si Baby Ziggy. Kaya muli niya itong kinunan ng temperature at lumitaw na may lagnat nga ang bata.
Kaya naman pinainom niya ng gamot ang anak. Ngunit hindi niya inasahan ang sumunod na pangyayari nang biglang manigas ang sanggol, natulala, at tila bumubula ang bibig.
Lalo pang nataranta si May nang unti-unting mangitim umano ang labi at kuko ng anak. Kaya naman napasugod na sila sa labas ng bahay at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
“Pagkasigaw niya nakita ko kaya yung bibig niya itim na tapos nakaganun na siya, tapos nag-rattle na talaga ako,” ayon kay May.
Ang kapitbahay nilang si Rodolfo, napansin daw na tila hindi makahinga ang bata dahil sa parang may nakabara sa bibig nito.
Kaya naman ilang beses niyang sinipsip ang bibig ng bata para maalis ang pinapaniwalaan niyang nakabara na plema.
Nakahinga umano ang bata sa ginawa niyang pagsipsip sa plema sa labi nito pero patuloy na hindi kumikilos si Baby Ziggy at tila tulala pa rin kaya iginiit niyang dalhin na kaagad sa ospital ang bata.
Ang isa pang kapitbahay, tumulong para himasin ang naninigas na kamay at binti ng bata. May humahagod din sa likod at batok ni Baby Ziggy.
Nang dumating ang isang motorsiklo, doon na isinakay ang bata para mabilis na maisugod sa pagamutan.
Sa pagsusuri ng duktor, lumalabas na nagka-seizure o kombulsiyon ang nangyari sa sanggol na dulot umano ng impeksiyon mula sa pagkakaroon nito ng ubo.
Ayon kay Dra. Marinel Tumangday-Dizon, isang pediatrician, very common na nangyayari lalo na sa mga bata ang kombulsiyon.
May dalawa umanong klasipikasyon ang seizure na provoke at unprovoked. Ang viral infection ang isa sa mga risk factor para magkaroon ng seizure ang tao o bata.
Gayunman, mahirap umanong sabihin na ang ubo mismo ng bata ang naging dahilan kaya nagka-seizure ang baby.
Kapag nagkaroon ng seizure ang isang tao o bata, ipinayo ng duktor na dapat itong ihiga sa sahig o flat surface.
“Itagilid nang kaunti para yung laman ng tiyan in case na susuka siya hindi mapunta doon sa daanan ng hangin kasi ayaw nating mag-aspirate yung bata,” sabi ni Dizon.
Dapat ding tingnan ang orasan dahil kadalasan na hindi tumatagal ng limang minuto ang atake ng kombulsiyon.
Huwag umanong maglalagay ng anong bagay sa bibig gaya ng kutsara na ginagawa ng iba.
Ipinayo rin ni Dizon na ipatingin sa duktor ang pinakamabuting gawin kapag mayroong sakit ang bata para masuring mabuti.
Sa kabila ng nangyari kay Baby Ziggy, sa tulong ng mga nagmalasakit na mga kapitbahay, nasa maayos na kalagayan na ang bata.
Kaya naman nagpasalamat si May sa mga kapitbahay nila na tumulong sa kanila, at nagsimba rin para magpasalamat sa Diyos na nakaligtas ang kaniyang anak.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment