Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki na bumili umano ng motorsiklo gamit ang pekeng pera sa Pasay City.
Ayon sa pulisya, nakipag meet up ang biktima sa dalawang suspek at nagkasundo na ibenta ang kanyang motor sa halagang P20,000.
Pero nang ipambibili na niya ang pera sa isang convenience store, napansin ng kahera na kahina-hinala ang mga ito.
Hindi rin daw niya nakita na magkakapareho ng serial number ang ilan sa mga P1,000 bill na ibinayad sa kanya.
Dito na siya nagtungo sa bangko at nakumpirma na peke nga ang mga pera.
Agad na nagtungo sa pulisya ang biktima at inireklamo ang mga suspek.
Natunton naman sila sa kanilang mga bahay sa Tanza, Cavite sa tulong na rin ng impormasyon na una nilang ibinigay sa biktima.
Depensa nila, hindi rin nila alam na peke ang mga perang ibinayad nila.
Ipinambayad lang din daw kasi sa kanila ang mga ito ng isang babae na pinagbentahan nila ng alahas.
May mga patunay din aniya sila sa naging transaksyon nila dito.
Iginiit din nila na hindi nila ibibigay sa biktima ang kanilang eksaktong address kung may plano silang manloko.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa nangyari.
Kaugnay nito, nagpaalala ang pulisya sa publiko na maging mapanuri sa pagtingin ng mga pera lalo na sa mga ibinabayad sa mga palengke at sa mga maliliit na tindahan.
Puwede rin daw silang magtungo sa istasyon ng pulisya sa oras na makatanggap ng mga ganito.
Samantala, patuloy naman na inaalam ng mga awtoridad kung kumakalat na naman ang mga pekeng pera lalo na ngayong nalalapit na ang Pasko. — VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment