Nagdulot ng pagbaha ang storm surge na dala ng malakas na hangin at ulan ng bagyong “Kristine” sa ilang lugar sa Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita ang mga bangka ng mga mangingisda na nakahilera sa daan sa Barangay San Isidro Norte, Binmaley.
Sa Barangay Buenlag, isang barko ang sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat nitong Miyerkules ng gabi.
“Sumadsad ‘yan mga 11 o’clock kagabi… they will call the attention of the Coast Guard,” sabi ni Mayor Pedro Merrera III ng Binmaley.
Sa Lingayen, binaha ang Capitol beachfront kaya naging pahirapan sa mga motorista at mga residente na dumaan.
“It is an act of nature ‘yan eh. We have to make do whatever we can,” pahayag ni Mayor Leopoldo Bataoil ng Lingayen.
Naapektuhan din ng storm surge ang coastal barangay ng Maniboc, partikular sa Sitio Villa Maniboc, Sitio Casulming 2, at Castillo Baybay.
Nasa 80 pamilya sa Lingayen ang inilikas dahil sa pagbaha at storm surge.
“Kung tumataas na ‘yung tubig, inabisuhan ko ‘yung mga tao, sabi ko lumikas na tayo,” sabi ni Ramil Palisoc, barangay chairman.
Nakaranas din ng storm surge ang Alaminos City, Infanta, Dagupan City, San Fabian, Labrador, Sual, at Bolinao.
Binaha rin ang mga pangunahing kalsada sa Dagupan City dahil sa epekto ng Bagyong Kristine na sinabayan ng high tide.
—FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment