Nasa kritikal na kondisyon ang isang 11-anyos na dalagita matapos masapul ng ligaw na bala galing sa mga lalaking nag-aaway sa Tondo, Maynila. Ang isa sa mga suspek, arestado.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang paglalakad ng mga bata sa bahagi ng Sandico Street nang bigla na lamang bumulagta ang dalagita na nasa dulo.
Bago nito, isang lalaking may dalang sumpak ang dumaan sa gilid ng mga batang naglalakad.
Sinugod na pala ng lalaki ang isa pang lalaki na kaniyang kaalitan, na may dala namang pistola.
Sa kasawiang palad, ang biktima ang tinamaan ng bala na para sana sa lalaking may sumpak.
Mapanonood pa sa CCTV na tumakbo pabalik ang lalaki at napalingon sa biktima.
Mabilis na nagtulong-tulong ang mga residente sa lugar para maitakbo ang babae sa ospital.
Sinabi ng barangay na patungo lang sana ang biktima at mga kaibigan nito sa isang rentahan ng bisikleta para maglaro.
“Kritikal siya dahil may naiwang bala. Hindi tumagos ang bala, naiwan dito sa may leeg, gumapang daw sa likod,” sabi ni Chairman Ronny Depositar.
Ayon pa sa barangay, matagal nang may away ang dalawang suspek.
Bago ang palitan ng kanilang putok, nakunan sa CCTV ng kabilang barangay ang suspek, na kinompronta ang isa pang suspek. Ilang saglit pa, ang lalaking nakahubad naman ang sumugod sa bahay ng lalaking naka-gray, ngunit wala roon ang suspek.
Nadakip ang lalaking may sumpak sa isinagawang follow-up operation ng Manila Police District.
Patuloy na tinutugis ang lalaking kaaway niya at pinaniniwalaang nakabaril sa biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment