Ipinatawag sa tanggapan ng PNP-Highway Patrol Group sa Cebu sina “Son Goku” at “Spiderman,” hindi para hingan ng tulong, kung hindi para sitahin sa kanilang pakulo sa kalsada na delikado umano para gawing content online.
Sa ulat ni Lou-anne Mae Rondina ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang video ng vlogger na si Boy Banat, na may dalawang lalaki na naka-costume na Son Goku at Spiderman, habang nasa kalsada.
May hawak silang props na espada at nanghahabol at kunwaring nanghaharang ng sasakyan sa national highway sa Cebu City.
May pakulo rin sila na kunwaring may kalaban na isang lalaki na nakasuot ng maskara ni Batman, habang naka-costume naman ni Pikachu ang isang rider.
Bahagi umano ito ng content na ipinost ng vlogger na si Boy Banat, na hindi ikinatuwa ng PNP-HPG.
“Ang nakatawag sa amin [ng pansin] yung sumakay sila sa tricycle. Ang nag-drive si Spiderman, nasa itaas sa tricycle si Son Goku, at nasa harapan si Batman. Hindi sumipot si Batman. So ipinatawag naming sila to inform them na hindi na nila ‘yun [dapat] ulitin,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Wilbert Paria, hepe ng HPG-Region 7.
Humingi naman ng paumanhin ang dalawa sa kanilang ginawa.
“Humingi kami ng dispensa, humihingi kami ng tawad sa mga fans dahil hindu naming alam na bawal pala iyon doon tapos ipinapangako namin na hindi naming iyun uulitin bilang content,” ayon kay Boy Banat.
“Hindi namin alam na mali ang ginawa namin na nakakaabala na kami ng nga tao, ng ibang motorista. Kaya ng nung sinabi, nag-chat sila na pinapapunta kami dito, pumunta kami dahil mali ang ginawa namin, so humingi kami ng kapatawaran,” sabi naman ng kaniyang kasama.
Matapos na mapagsabihan, hinayaan naman na makauwi ang dalawa. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment