Inalis na ang lahat ng typhoon signal sa Pilipinas habang palabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong “Leon,” na unang naging super typhoon at hinagupit ang Batanes.
Sa Tropical Cyclone Bulletin na inilabas ng PAGASA nitong Huwebes ng gabi, namataan ang mata ng bagyo sa layong 445 kilometers sa north northwest ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 120 kilometers per hour malapit sa gitna, pagbugso na hanggang 165 km/h.
Bumilis naman sa 25 kph ang galaw ni Leon pa-northwestward, patungo sa Taiwan kung saan ito magla-landfall.
Dahil dito, inalis na ng PAGASA ang lahat ng Tropical Cyclone Wind Signals.
Gayunman, makararanas pa rin umano ng moderate to heavy rainfall ang Batanes, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Calamian Islands, dahil sa buntot ng bagyo.
Magdudulot din ng malakas na alon ang sirkulasyon ng hangin ni Leon sa Biyernes sa karagatan ng Batanes, Babuyan Islands, northeastern mainland Cagayan, at eastern Isabela.
Ayon sa PAGASA, nasa Taiwan Strait na ang bagyo at palabas na ng PAR.
“This tropical cyclone is expected to move northward in the next 12 hours then northeastward towards East China Sea for the rest of the forecast period. A second landfall over mainland China is not ruled out during this period,” pahayag nito
Hagupit sa Batanes
Sa pagdaan ni Leon sa Pilipinas na pinakamalapit sa Batanes na umabot pa sa Signal No. 5 sa dalawang lugar sa lalawigan, naramdaman ang lakas nito na umabot sa super typhoon category nitong Miyerkules.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, ipinakita kung gaano kalakas ang hangin at ulan na dala ni Leon kaninang madaling araw sa lalawigan.
Dama ang lakas ng bagyo sa punong tanggapan ng Batanes Provincial Police Office. Sa karagatan, makikita naman ang naglalakihang alon.
Ang ilang bahay at establisimyento, tinakpan ang kanilang mga bintana at pinto para hindi masira ng hangin.
May mga kalsada sa Basco ang hindi madaanan dahil sa mga natumbang puno at debris. Ang ilang kawani ng lokal na pamahalaan, lakas-loob na inaalis ang ilang harang sa daan.
Napinsala ang Santa Maria De Mayan Church, at nawalan ng kuryente sa ilang lugar sa lalawigan.
Hindi rin nakaligtas kay Leon ang Ilocos Norte at Mountain Province.
Nagdulot ng storm surges si Leon sa Pagudpud, Ilocos Norte kaya napilitan ang ilang residente na lumikas patungo sa mataas na lugar.
Ilang bahay rin ang napinsala ng malakas na hangin sa Pasuquin.
Nawalan naman ng kuryente sa Bauko, Mountain Province matapos mabagsakan ng puno ang electric line.
Kaagad ding kumilos ang mga tauhan ng local electric cooperatives para maibalik ang kuryente.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment