Tiis-ganda na lamang ang isang babae nang mamaga ang kaniyang pisngi at halos hindi maidilat ang kaniyang mga mata dahil sa binili niyang pampakulay ng buhok mula sa isang pharmacy. Makahanap pa kaya siya ng lunas?
Sa For You Page ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Carla na bahagi na ng kaniyang beauty regimen ang magpakulay ng buhok, at ang go-to-salon niya ay pagmamay-ari ng kaniyang kaibigan.
“Pang-ilang beses ko na kasi siyang nakapag-try na magkulay ng buhok. So ‘yung nag-aalaga ng buhok ko is ‘yung kaibigan ko talaga tsaka talagang siya ‘yung gumagawa ng buhok ko, wala nang iba, pati pagpapagupit, pagpapa-rebond, pagkukulay,” sabi ni Carla.
Nitong nakaraan lang humaba na ulit ang buhok ni Carla kaya bumili siya ng pangkulay para magpa-retouch sa kaibigan.
“‘Yung ginamit po naming pangkulay, hindi po talaga ‘yun sa salon. Bale nag-try kami roon sa nabilhan namin sa isang pharmacy. Nakalagay naman po kasi ‘no ammonia.’ Expected po namin hindi siya matapang. Gandang ganda pa ako sa buhok ko noon kasi, bago ‘yung kulay ko tapos ang lambot-lambot pa ng buhok ko noon,” sabi ni Carla.
Isinalaysay niya kung saan niya nakuha ang pampakulay.
“Nakita ko ‘yung isang brand na ‘yun sabi ko ‘Ay mukha itong maganda.’ Kasi mahal naman ‘yung nabili naming gamot hindi naman siya ‘yung tig-P300 lang,” kuwento niya.
Ayon kay Carla, wala siyang naramdaman kaagad ngunit kinabukasan, nag-umpisa na itong mangati.
“Noong una hindi naman siya nag-interact sa akin, hindi ako nangati. Tapos noong kinagabihan na, parang nangangati na ako, nag-decide na ako na magpa-check up.”
Kalaunan, tuluyan nang namaga ang buo niyang mukha.
“As in hanggang dito sa leeg, tapos wala na akong leeg talaga. Sobrang pamamaga tapos manhid, ang kati-kati sa ulo,” sabi ni Carla.
Makikita sa ilang larawan ang pamamaga ng buong mukha ni Carla at ayaw magpaawat sa pangangati ang kaniyang anit ilang araw makaraang magpakulay ng buhok.
“Naiyak na nga po ako sa partner ko eh, kasi sobrang hirap po eh, ang hirap, ang hapdi, ang init sa ulo, sobra,” sabi niya.
Dahil dito, kinailangan din siyang dalhin sa emergency, at tinurukan ng anti-allergy.
Pagkaraan ng dalawang oras, hindi pa rin nawala ang pamamaga, kaya muli siyang tinurukan. Hindi pa rin nawala ang pamamaga.
“Ang daming ingredients ng ginamit niyang dye kaya may possibility talaga na ma-allergy siya rito kasi ang daming chemicals eh. Parang isang bond paper ‘yung content ng dye na nagamit niya,” sabi ng dermatologist na si Grace Beltran.
“The main thing to do there is to first, give a first aid para hindi na madagdag ‘yung swelling. And then maintenance medicine while the dye is still on the hair. Tapos kailangan mag-wash out siya ng dye na ‘yan, so three to five times na isha-shampoo niya ‘yung dye para matanggal agad. Kung hindi babalik-balik lang din siya,” dagdag ni Beltran.
“She just has to choose the product na proven to be not an irritant, not an allergen kasi kapag ka napili mo naman ‘yan malamang hindi ka talaga magkakaroon ng mga ganiyang reaction,” anang dermatologist.
Sa kasalukuyan, humupa na ang pamamaga ng mukha ni Carla, at wala na siyang iba pang nararamdaman.
Pahinga rin muna siya sa pagpapakulay ng buhok.
“Bago po sila magpakulay, i-test mo muna sa maliit na part ng kamay nila. Kung mag-e-effect po ‘yun, huwag na nilang ituloy,” sabi ni Carla. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News
Be the first to comment