Arestado na isang babae, pati ang kaniyang kapatid at tiyahin matapos umanong pagbantaan at kikilan ng pera ang bagong nobya ng kaniyang dating nobyo sa Concepcion, Tarlac.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ipinakita ang isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police laban sa mga suspek.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang pananakot at pangingikil ng pangunahing suspek na si Alias “Emma,” na ipakakalat ang maseselang larawan at video ng biktima nang makipaghiwalay na rin ang huli sa nobyo nito.
“Nag-ugat ito sa pagseselos ng suspek. Iniwan siya ng boyfriend niya para maging sila ng victim po,” ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Spokesperson Police Lieutenant Wallen Arancillo.
Ayon kay Arancillo, umabot na sa P113,000 ang naibigay ng biktima sa mga suspek pero humirit pa umano ang mga ito ng panibang P40,000.
Dito na lumapit at nagpatulong sa pulisya ang biktima.
Mahaharap ang tatlong suspek sa reklamong grave threat at robbery with intimidation of a person in relation to the Cybercrime Prevention Act. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment