Nailigtas ang 23 babae, kabilang ang anim na menor de edad, mula sa pambubugaw kung saan ilan sa mga kliyente ang mga Tsinong nagtatrabaho sa POGO sa Tondo, Maynila. Ang mga biktima, pinagsu-swimming pa para pagpilian ng mga dayuhang parokyano.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nasagip ang mga biktima mula sa isang resort.
Dinakip ng National Bureau of Investigation ang mga target nilang suspek matapos tanggapin ang paing perang pambayad.
Ayon kay NBI Regional Director Ferdinand Lavin, pumapalo ng mula P10,000 hanggang P15,000 ang ibinabayad para sa serbisyo ng mga biktima.
“Iba’t ibang lugar po sila nanggaling. May nanggaling po ng Pasig, Caloocan, Quezon City at sa Pampanga. So ang mga clients po nito ay mga normally Chinese, Korean, iba’t ibang mga lahi ang involved. Kaya ‘yung rate nila may kataasan lang,” sabi ni Jerome Hernandez, agent on case ng NBI.
Una umanong ipadadala sa social media ang mga maseselang litrato ng mga biktima bago sila papupuntahin sa resort kung saan sila inilalako sa mga parokyano.
“Hindi po, hindi po. Hindi ko po pinilit. Wala po akong pinilit. ‘Yung iba po, nag-volunteer,” sabi ng suspek na si “Mika.”
Inihabilin sa DSWD ang ilan sa mga nasagip na menor de edad, habang posibleng maharap sa mga reklamo ang mga suspek. —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
Be the first to comment