Isang dating barangay chairman na kakandidatong bise alkalde sa Tantangan, South Cotabato sa Eleksyon 2025 ang pinagbabaril at napatay sa kusina ng kaniyang karinderya.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jose Osorio, dating chairman ng Barangay Bukay Pait.
Nakita ang duguang katawan ni Osorio na nakahandusan sa kusina ng kaniyang karinderya na katabi ng kaniyang bahay nitong madaling araw ng Lunes.
Ayon sa pulisya, nakarinig ng mga putok ng baril ang mga kapitbahay ng biktima pero hindi nila ito binigyan ng pansin.
Natutulog naman noon ang asawa ng biktima sa kanilang bahay na katabi rin ng karinderya.
Anim na basyo ng bala ng baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamilya ng biktima sa nangyaring krimen.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen, at personal na alitan ang isa nilang tinitingnan na posibleng motibo sa pagpatay.
“Ang initial na nakikita naming motibo ay personal. However, hindi naman natin binalewala ang ibang anggulo pa. For further investigation pa naman ito,” sabi ni Tantangan Municipal Police Station Chief Police Major Erica Vallejo.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment