Arestado ng mga awtoridad ang tatlong suspek matapos nilang ikasa ang buy-bust operation sa Cainta, Rizal.
Ang mga suspek ay isang babaeng kinilala bilang alias “Rizza” at dalawang lalaki na kinilalang sina alias “Pogi” at “Rizal”, ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes.
Nangyari ang buy-bust operation sa Barangay San Isidro noong Sabado pasado ala-una ng hapon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, chief of police ng Cainta Municipal Police Station, unang naaresto sina Rizza at Rizal.
Nakipaghabulan daw sa mga pulis si Pogi, at umabot pa hanggang Marcos Highway sa Marikina City ang habulan. Kinalaunan ay naaresto rin siya.
Ayon pa kay Macatangay, si Pogi ang itinuturong malaking tulak ng ilegal na droga ng mga naunang naarestong drug personalities.
Sa Taguig, Pasig, at Muntinlupa raw kinukuha ng tatlong suspek ang mga droga na kanilang ibinebenta online gamit ang chat o text sa Taytay, Antipolo, Pasig, at Marikina.
Kapag nagkasundo na ay makikipagkita ang mga suspek umano sa buyer at kaliwaan na ang transaksiyon.
Narekober sa mga suspek ang walong pakete na may 25 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa P170,000 ang halaga.
Nakuha rin sa mga suspek ang isang 9mm pistol at apat na bala.
Aminado ang dalawa sa mga suspek na nagbebenta sila ng ilegal na droga.
Si Rizal naman ay nagsabing taga-deliver lang siya.
Dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Nasa custodial facility na ng Cainta Municipal Police Station ang mga suspek.
Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA Integrated News
Be the first to comment