Tumanggi si Vice President Sara Duterte na magkomento kaugnay ng P1 milyong reward na ipinatong ng komite sa Kamara de Representantes para mahanap ang isang “Mary Grace Piattos,” na nakasaad na nakapirma sa acknowledgement receipts para sa confidential funds umano ng kaniyang tanggapan.
Sa isang panayam sa mga mamamahayag sa Butuan City, sinabi ni Duterte na hindi dumaan sa kaniya ang mga dokumento na may kinalaman sa confidential expenses ng kaniyang opisina na direktang isinumite sa Commission on Audit (COA) ng special disbursing officer (SDO).
“I have no comment on that, ‘no, because I have not seen the acknowledgement receipt na kanilang sinasabi. Because basically, lahat ng mga documents, hindi siya dumadaan sa akin. Dumidiretso siya sa SDO and sina-submit siya sa…office ng COA na gumagawa ng audit ng confidential funds,” paliwanag ni Duterte.
“So hindi ako maka-comment lalong-lalo na hindi namin alam paano pinroseso ang pagbigay ng copies ng ARs (acknowledgement receipts) or ng submissions namin sa COA to the House of Representatives, and sino ang nagha-handle noong mga document,” dagdag niya.
Ginawa ni Duterte ang paglilinaw harap ng paglalagay ng House good government and public accountability committee ng P1 milyon reward sa makapagbibigay ng impormasyon tungkol kay “Mary Grace Piattos,” na nakapirma sa karamihan ng acknowledgement receipts para sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na nasa ilalim ni Duterte.
Sinabi ng COA sa House committee on good government and public accountability, na nagsumite ang OVP at DepEd ng mga dokumento na may mga maling petsa, na may pirma pero walang pangalan, o hindi mabasang mga pangalan.
Ang mga dokumento ay may kaugnayan para maipaliwanag ang paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd noong 2022 at 2023.
Ayon kay COA auditor Gloria Camora, maraming acknowledgment receipts ang may petsang Disyembre 2023 ngunit wala silang impormasyon sa eksaktong bilang nito. Mayroon din umanong mga AR na walang petsa.
Kinumpirma rin ng COA na mayroong 787 acknowledgment receipts na walang pangalan ng mga signatories, at 302 ARs na may hindi mababasang pangalan ng mga signatories. —mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment