Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang 18-anyos na lalaki habang nasa loob ng isang tricycle sa Iloilo City nitong Martes.
Sa ulat ni Kim Salinas ng GMA Regional TV sa GMA News Saksi nitong Miyerkoles, sinabing kasama noon ng biktima sa tricycle ang isang nagngangalang “Makoy,’ na 16-anyos.
Sa video footage, makikita na tumakbo palayo sa tumigil na tricycle si “Makoy,” habang naiwan sa loob ang biktima at doon pinagbabaril ng riding in tandem.
Dahil sa testimonya ni “Makoy,” natukoy at nadakip ang pinaniniwalang utak sa krimen na nag-utos sa kanila na pumunta sa boarding house nito.
Hinahanap naman ang dalawa ng sakay ng motorsiklo na bumaril mismo sa biktima.
Ayon kay Molo Police Station chief Police Captain Ryan Christ Inot, lumalabas sa imbestigasyon na batid ni Makoy ang mangyayaring krimen.
Hinihinala ng mga awtoridad na may kaugnayan sa ilegal na droga ang krimen.
Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na magbigay ng pahayag. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment