Hindi inakala ng isang bride na ang pagkakaudlot ng kaniyang kasal ang magiging daan para makapagtayo sila ng matagumpay na negosyo sa ceramic sets, na mula sa pang-giveaway sana nila ng kaniyang groom para sa kanilang mga principal sponsor.
Sa isang episode ng “Pera Paraan,” ikinuwento ni Kate Garcia ng Shop Annyeong-PH, na isang linggo na lang bago ang kanilang kasal ng groom niyang si Carlos, nagpatupad ng lockdown ang gobyerno dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang inakalang ilang linggo lang na lockdown, tumagal nang tumagal hanggang na maurong na ang kanilang kasal sa susunod na taon.
Dahil sa nangyari, natengga rin ang mga gamit nila na pangkasal, pati ang giveaways nilang mga ceramic set na plates and bowls na para sana sa kanilang mga principal sponsor o mga ninong at ninang.
Pero sa halip na magmukmok, sinubukan ni Kate na i-post ang ceramic plates sa social media kung may magkakagustong bumili.
“Trinay ko lang naman na i-post. Nagkaroon ng mga nagkagusto kaya parang naka-idea ako na ‘ah baka may gusto rin ng ganitong produkto dito,'” ayon kay Kate.
Nang maibenta ni Kate ang mga ceramic sets, halos doble ang benta niya sa mga ito mula sa orihinal na presyo nang mabili nila ang mga produkto.
Dito na naisipan ni Kate na targetin ang market ng mga ikakasal na naghahanap ng murang pang-giveaway o souvenir sa kasal na kagaya nila.
Ang pinakamurang ceramic set na puwedeng mabili kay Kate ay nagkakahalaga g P200, at nasa P1,500 naman ang pinakamahal.
Pero gaya ng ibang negosyo at nagsisimulang magnegosyo, nagkaroon din mga problema sina Kate katulad ng pagkakabasag ng kanilang produktong pagdating sa kliyente.
Bukod sa kailangang palitan nila ang basag na produkto, kailangan din nilang sagutin ang shipping fee na dahilan para sila malugi.
Kaya para maiwasan ang pagkalugi, naghanap sila ng paraan kung papaano matitiyak na safe and secured ang mga produkto kapag ibiniyahe hanggang sa makarating sa kliyente.
Dahil galing sa ibang bansa ang produkto, naging malaking pagsubok din kay Kate ang logistics noong una. Hanggang sa makahanap na sila ng partner na forwarder.
Ngayon, umaabot na umano sa six digits ang kinikita nila sa negosyo bawat buwan.
At ang kasal nina Kate at Carlos, natuloy din naman.
Payo ni Kate sa mga nagsisimulang magnegosyo, “Kailangang maging matiyaga tayo. Huwa tayong tumigil kung mayroon tayong passion para magnegosyo.”
Patuloy niya, “Hindi sana nating gawing hadlang ang mga hindi natin alam. Lalo na sa panahon natin ngayon na lahat nasa internet, talagang magtitiyaga ka lang at hahanapin mo yung tamang produkto at tamang market para sa iyon.”– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment