Malagim ang sinapit ng isang negosyanteng senior citizen, na nasawi matapos pagsasaksakin ng kaniyang pahinante gamit ang limang pulgadang karayom nang hindi umano siya magpabale sa Candaba, Pampanga.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Lavinia Gulapa, 68-anyos, na nakitang wala nang buhay sa opisina ng kanilang warehouse sa Barangay Barangca.
Lumabas sa imbestigasyon na nagtamo ng defense wounds at mga pasa sa likuran ang biktima, ngunit ikinasawi niya ang saksak sa kaniyang puso.
“Meron po siyang malalim na saksak sa puso, dalawa,” sabi ng anak ng biktima.
Ginamit umanong murder weapon ng suspek ang isang karayom na pangtahi ng sako.
Kinilala ang suspek na si Jerome Santiago, na pahinante ng biktima.
Pagkagawa ng krimen noong Abril 2024, nakunan pa ang suspek na naglalakad sa highway dala-dala ang isang pulang bag na naglalaman umano ng P60,000 na kaniyang tinangay mula sa biktima, at isang handgun.
“Matagal na siyang nagserbisyo sa amin, wala naman kaming pinakitang hindi maganda. Ang hiling ko sana sa kaniya, harapin niya po ang kaso at sumuko na lang siya. Panagutan niya ang nangyari,” sabi ng anak ng biktima.
Ayon pa sa anak ng biktima, nagalit umano ang suspek nang hindi pabalihin ng kaniyang ina.
“Ang nababalitaan ko po, nangangailangan siya ng pera. Meron na po siyang mga bale. Isa rin po sa narinig ko, may bisyo, nagdodroga,” anang anak ng biktima.
Naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa suspek pitong buwan matapos ang krimen.
“Gusto ko po sanang makulong ‘yung tao at pagdusahan ‘yung mga ginawa niyang pagpatay sa mother ko po. Sa lahat po ng maaaring makapagturo sa tao, magbibigay po kami ng pabuya, halagang P300,000,” sabi ng ina ng biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment