Duguan at patay na nang matagpuan sa kanilang bahay sa Valenzuela City ang isang ginang at anim na taong gulang niyang anak na lalaki. Basag ang bungo ng mag-ina dahil sa palo ng martilyo na gawa ng suspek na kaibigan pa man din ng padre de pamilya ng mga biktima.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing ibinalot sa kumot ang bangkay mga biktima na sina Janice Joy Castro at Jare Aisvon Jerome, at itinago sa ilalim ng kama.
“Pinalo ng martilyo, sobra-sobrang hirap ang inabot ng anak ko,” hinanakit ni Eugenia Castro, ina ni Janice.
Sa CCTV footage, nakita ang suspek na si Michael Francisco, na sinundan nito ang mag-ina nang lumabas at bumalik ng bahay.
Ayon sa pulisya, kaibigan ng asawa ni Janice si Francisco, na nakakulong ngayon.
Iniimbestigasyon pa ng pulisya ang krimen at usapin tungkol sa ilegal na droga ang isa sa mga tinitingnan na motibo sa krimen.
Patuloy namang hinahanap si Francisco na nahaharap sa kasong two counts of murder. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment