Inaasahan na makakamit umano ng Pilipinas ang pagiging isang upper-middle income economy sa susunod na taon, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
“We have a good chance of attaining upper middle-income country status in 2025,” saad ni Balisacan sa year-end press conference ng NEDA sa Mandaluyong City nitong Biyernes.
Sa ngayon, nananatili ang Pilipinas sa kategoryang lower middle-income economy sa ilalim ng pinakabagong klasipikasyon ng World Bank. Nasa loob ng bracket para sa lower middle-income economies ang gross national income (GNI) per capita ng bansa na $3,950 noong 2022.
Mula sa dating $1,086–$4,255, itinaas ang GNI per capita sa $1,136–$4,465 noong nakaraang 2023.
Para sa fiscal year 2024, inilalarawan ng WB ang mga low-income economies na may GNI per capita na $1,135 o mas mababa pa noong 2022; lower middle-income economies ang ay may GNI per capita sa pagitan ng $1,136 at $4,465; upper middle-income economies ang may GNI per capita sa pagitan ng $4,466 at $13,845; at high-income economies ay may GNI per capita na $13,845 o higit pa.
Kasama ng Pilipinas sa lower-middle income bracket ang Vietnam ($4,010 GNI per capita); Laos ($2,360); Cambodia ($1,700); at Myanmar ($1,210).
Ang mga kalapit na bansa na nasa upper-middle income level ay ang Malaysia ($11,780); Thailand ($7,230); at Indonesia ($4,580), na umangat ang kategorya ngayong taon mula sa lower-middle income status.
Nasa pinakamataas na high-income bracket naman ang Singapore ($67,200) at Brunei ($31,410).
“Attaining this status will require that we achieve our growth target this year, that we maintain our growth trajectory in 2025, and our currency will not weaken significantly relative to the currencies of our major trading partners,” sabi ni Balisacan.
Sa unang tatlong yugto ng 2024, sinusukat ang ekonomiya ng bansa batay sa gross domestic product (GDP), o ang kabuuang halaga ng mga kalakal at serbisyo na nalikha sa isang panahon. Lumago ang GDP ng bansa sa 5.8%, na bahagyang mababa kaysa sa target ng gobyerno.
Para sa buong taon ng 2024, target ng pamahalaan ang GDP growth na 6% hanggang 7%. Habang 6.5% hanggang 7.5% naman sa 2025.
Idinagdag ni Balisacan ang isa pang pangunahing target ng pamahalaan na maibaba sa single digit ang nationwide poverty pagsapit ng 2028.
Noong 2023, nasa 15.5% ang poverty rate ng bansa, na nabawasan na mula sa 18.1% noong 2021.
Katumbas ito ng 17.54 milyon na mahihirap na Pinoy noong 2023, kumpara sa 19.99 milyon noong 2021.
“Despite high inflation, we have already made remarkable strides, with poverty falling to 15.5% in 2023 from 18.1% in 2021. Maintaining low and stable prices is critical to reducing poverty and making economic growth more inclusive. We will continue to enhance our social protection programs, particularly through digital solutions enabled by the National ID, to protect our gains and ensure that no one is left behind,” paliwanag ng opisyal. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment