Kapilya at isang pamilya, nag-aagawan sa pangangalaga sa milagroso umanong Santo Entierro

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Pinag-aagawan ngayon ng isang kapilya at isang pamilya sa Gainza, Camarines Sur kung kanino dapat mapunta ang pangangalaga sa Santo Entierro, o Tatlong Hinulid–na imahen ng nakahigang Hesus– na nalubog sa baha sa loob ng kapilya noong kasagsagan ng Bagyong Kristine.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang ginawang bayanihan ng mga taga-Gainza upang sagipin at maalis sa baha ang Santo Entierro noong manalasa ang bagyo.

Dahil sa pagkakababad sa tubig, nakita ng ilang deboto na nalusaw ang pintura sa mga paa ng imahen, at nagkaroon din ito ng mga bitak at iba pang pinsala.

Dahil napabayaan sa baha, sumama ang loob ng mga deboto sa mga taga-kapilya na naatasang mangalaga sa mga imahen.

Kaya naman ang pamilya ni Clemente Isidro, na may-ari umano ng mga imahen, nais na itong bawiin mula sa kapilya para maalagaan nila.

Ilang dekada nang nakalagak sa kapilya ang Santo Entierro, na ang pinakamalaki ang Diyos Ama, na may hawak na tupa. Samantalang ang Ina naman ang may hawak na ibon, at ang Diyos Anak ang siyang bukod tanging nakadilat.

Itinuturing milagroso ang Santo Entierro, na pinaliliguan at binibihisan tuwing Huwebes Santo. Ang tubig na ginagamit sa mga imahen, nakagagaling umano ng kahit anong karamdaman kapag ininom, o ipinahid sa katawan.

Ang samahang Cagbunga de Barangay Pintuan ng Langit, ang may malalim na pananampalataya sa Tatlong Hinulid kahit na hindi ito pinahihintulutang iprusisyon.

“Kung totoong may pagsampalataya sila, kung totoo na sila ay mayroong debosyon diyan, hindi nila pababayaan ‘yun. Noong oras na iyon nasaan sila?Ilang araw nang nakalubog doon, bakit hindi man lang [naisipang daanan?]” sabi ng deboto na si Maria Elsa Isidro.

Depensa naman ni Benjie Mariano, Pastoral Council Chairman, “Bilang isang pastoral, ‘yung nakaraang bagyo po siyempre lumaki ang tubig, i-safety ko po muna ang pamilya ko bago po ‘yung Tatlong Hinulid. Wala naman akong bangka, hindi ko agad ma-rescue.”

Nang mkuha ang Tatlong Hinulid mula sa baha, dinala ito sa bahay ng caretaker na si Toyang.

“Ayaw ko talagang ibalik! Kung gusto niyong walang gulo, ang hiniram niyo, ibalik niyo,” sabi ni Clemente.

Sinabi naman ni Mariano na, “Ang sabi ko po, kay Father niyo na lang po ipaliwanag. Ang karapatang magdesisyon niyan, si Father.”

Kuwento ni Clemente, 15th century pa nang makuha ng ninuno niyang si Lolo Ayong ang Tatlong Hinulid matapos ang tatlong sunod na bagyo.

Pinagpasa-pasahan ang mga imahen, hanggang sa maipagkatiwala sa isa sa mga nag-aalaga na si Ka Inteng. Taong 1970 nang ipamana ni Ka Inteng ang Hinulid sa ina ni Clemente na si Brigida.

May pinapapirmahang kasunduan si Brigida sa mga nais na hiramin ang mga imahen bilang katibayan na isasauli nila.

Kalaunan, hiniram na rin ito ng mga kawani ng barangay para iprusisyon, at gagamiting pampaayos ng kanilang simbahan ang mga matatanggap na donasyon mula sa deboto.

Sa puntong ito, hindi na nagpapirma si Brigida sa mga taga-barangay dahil sa tiwala niya rito.

Ngunit nang sinubukan niya na itong bawiin, tumanggi na umano ang mga taga-barangay.

Si Clemente ngayon, anak ni Brigida, ang namumuno sa Cagbunga de Barangay Pintuan ng Langit.

“Wala naman akong masamang intensyon. Gusto ko lang mangyari ang debosyon na pinangako ko sa aking ina. Matupad ko ‘yung pangako ni nanay na pag-aalaga riyan,” sabi ni Clemente.

Sinubukang idaan sa barangay ang alitan kung sino ang dapat na mag-may-ari ng Santo Entierro, ngunit tumangging pakunan ng usapan. Iminungkahi ng kapitan na sa “palasyo” mag-usap.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento ang parokya ngunit inendoso na nila ang usapin sa kanilang arsobispo. — FRJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*