Nasabat ng mga awtoridad sa isang bakanteng lote sa Patikul, Sulu ang nasa 30 tonelada ng mga giant clam shells, o “taklobo” na aabot sa P45 milyon ang halaga.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Sulu Maritime Police Station (MARPSTA) at Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) sa Sulu, makaraang makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa umano’y ilegal na koleksyon ng mga higanteng taklobo.
Nakita ang mga taklobo sa isang bakanteng lote sa Barangay Taglibi. Gayunman, patuloy pang hinahanap ang may-ari at financier ng mga ito.
“Base sa hitsura ng ating na-recover, matagal na dahil marami nang damong tumutubo doon banda sa paligid ng shell. Base sa imbestigasyon namin, paunti-unti nila itong tinatambak ayon kay Police Major Fritze James Madrid, hepe, Sulu Maritine Police Station.
Idinagdag ni Madrid, na ipinagbabawal ang pangongolekta, pagkuha at pagbebenta ng mga naturang uri ng taklobo na endangered species na.
Ibinigay naman sa MAFAR-Sulu ang kustodiya ng mga taklobo habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment