Patay ang isang 17-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng kanyang bayaw nang makaalitan niya matapos ang kanilang Christmas party.
Nangyari ang malagim na krimen sa Sitio Villa Ynares sa Brgy. Bagong Nayon, Antipolo city noong Linggo.
Ayon sa pulisya, magkasamang umuwi ang biktima at suspek sa kanilang bahay mula sa Christmas party ng kanilang pinagtatrabahuhan.
“Nagkaroon ng pagtatalo, nauwi sa hindi maganda, nataga nga nung suspect yung biktima at may tama rin ng saksak,” sabi ni Police Capt. Alnor de Vera Tagara, chief of investigation & operation section ng Antipolo Component City Police Station
Ang biktima, tinaga sa iba’t ibang parte ng katawan gamit ang isang itak na narekober sa likod lang ng bahay na pinangyarihan ng insidente.
Isinugod pa raw sa ospital ang biktima pero idineklara ring dead on arrival.
“Bago tuluyang madala sa ospital, nakausap nung nanay yung kanyang anak. Then, nai-narrate niya yung pangyayari kung sinong gumawa sa kanya, kung sinong nanaga… ‘Yung kamag-anak naman nung suspect natin ay voluntarily sinuko yung suspect sa barangay,” sagdag ni Tagara.
Kinilala ang suspek na si alyas jolan, bente kwatro anyos.
Kwento niya, dinepensahan lang niya ang kanyang sarili laban sa biktima na una raw sanang mananaga sa kanya.
“Natutulog po kasi ako. Bigla po akong hinampas ng kahoy tapos binantaan pa ako na sasaksakin nya daw ako, papatayin. Eh nagulat po ko nung pagtayo nya kaya sinipa ko po, hawak nya na po yung itak e. Tapos nagdilim po yung paningin ko e,” ayon sa suspek.
Pero ayon daw sa kwento ng suspek sa mismong kaanak ng biktima matapos ang krimen, lasing sila at nakagamit ng droga.
Nagsumula rin daw sa asaran ang pananaga!
“Sabi nung biktima daw, pabiro, “tagain kita dyan eh”…. ‘Yng biktima ay nagcecellphone, nakaupo tapos katabi yung itak, e di nag-isip yung suspek po na baka totohanin kaya inunahan niya na sinipa niya yung biktima, dinampot yung itak saka po tinaga. Pinapalabas niya po na self-defense, pero hindi po,” sabi naman ng tiyuhin ng biktima.
Hawak na ng antipolo city police ang suspek na mahaharap sa kasong murder.
–VAL, GMA Integrated News
Be the first to comment