Hindi na umabot nang buhay sa araw ng kaniyang kasal ang isang groom matapos siyang barilin makaraan ang kaniyang bachelor’s party sa Laoag City nitong Miyerkules ng madaling araw.
Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyekules, kinilala ang biktima na si Andres Dacquioag, 59-anyos, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at likod.
Katatapos lang umano ng bachelor’s party ng biktima at nakatayo ito sa labas ng isang a convenience store kasama ang kaniyang fiancee nang barilin siya ng salarin.
Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na nailigtas ang kaniyang buhay.
Dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Nakatakda sanang ikasal ang biktima sa kaniyang live-in partner ngayong araw.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment