Sampu na ang iniulat na nasawi sa malawak na wildfires na tumupok sa libu-libong kabahayan at patuloy pang namiminsala sa Los Angeles sa Amerika. Ipinatawag na rin ang National Guard soldiers para tumulong sakaling magkaroon ng kaguluhan.
Sa ulat ng Agence France Presse, inanunsyo ng Los Angeles County Medical Examiner nitong Huwebes ng gabi ang tumataas na bilang ng mga nasawi sa malawakang sunog na patuloy na nagaganap.
Walang tigil ang malawakang operasyon ng mga bumbero hanggang gabi, na sinamahan pa ng mga helicopter na nagbabagsak ng tubig dahil sa pansamantalang paghina ng hangin. Pero may ang mga bagong apoy na nagsusulputan.
Dahil na rin sa mga ulat ng lotting o nakawan, sinabi ni Los Angeles County Sheriff Robert Luna, na planong magpatupad ng curfew sa gabi, at ang mga National Guard aatasang magpatrolya sa mga apektadong lugar.
“We’re throwing everything at our disposal -– including our National Guard service members –- to protect communities in the days to come,” ayon kay Governor Gavin Newsom.
“And to those who would seek to take advantage of evacuated communities, let me be clear: looting will not be tolerated,” babala ng opisyal.
Sinabi ni Luna na binabantayan ng kaniyang mga tauhan ang evacuation zones at aarestuhin ang sinumang makikita sa lugar na hindi dapat naroroon.
Pero dahil sa lawak ng pinsala, nangangamba ang ilang apektong residente na hindi sapat ang ginagawa ng pamahalaan kaya sila na mismo ang kumikilos.
Gaya ni Nicholas Norman na armadong nagbabantay sa kaniyang bahay dahil may nakita siyang umaali-aligid sa gabi.
“I did the classic American thing: I went and got my shotgun and I sat out there, and put a light on so they knew people were there,” saad ni sa AFP.
Sa White House briefing, nangako si ougoing US President Joe Biden na maglalaan ng “extra federal funds and resources” upang tumulong sa tinawag na “the most… devastating fire in California’s history.”
Una rito, iniulat na ilang Pinoy at Filipino-Americans ang kasama sa mga nabiktima ng sunog at umaapela ng tulong. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment