Rochelle Barrameda, positibong kinilala ang suspek sa pagpatay sa kapatid na si Ruby Rose Barrameda

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Tinukoy ng aktres na si Rochelle Barrameda ang nadakip na mastermind sa pagdukot at pagpatay umano sa isang lalaking negosyante na siya ring suspek sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Ruby Rose Barrameda noong 2007.

“Same pa rin, drum, baon sa lupa, baon sa dagat. Ganoon pa rin ‘yung ginagawa nila, katulad ng ginawa nila sa kapatid ko,” sabi ni Rochelle sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

“Hindi man sa kaso ng kapatid ko o sa kaso nila magkaroon ng katarungan, at least sa isang kaso na doon siya masentensiyahan, para na rin kaming nagkaroon ng hustisya,” dagdag ni Rochelle.

Itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa pagpaslang kay Ruby Rose.

Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Rochelle na naging daan para sa muling pagbubukas ng kaso ni Ruby Rose ang pagpatay sa biktima, na natuklasang nakaburol ang bangkay sa isang bakanteng lote sa San Jose Del Monte City, Bulacan.

Sa footage mula sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), mapanonood na nakaposas ang negosyante matapos dukutin ng ilang lalaki at dinala sa Calauan, Laguna noong Enero 5.

Sa isa pang video, makikita ang dalawang lalaki na nagbubuhat ng drum na naglalaman na pala ng katawan ng biktima, na napatay sa pamamagitan ng pagsasakal at pagbalot ng plastic sa kaniyang ulo.

Ayon pa sa QCPD CIDU, nagpanggap ang mga suspek na bibili ng isda sa fish farm ng biktima sa Laguna.

Bago ang insidente, nakatawag pa ang biktima sa kaniyang anak para sa cash transfer. Ngunit noong gabing iyon, muling tinawagan ng anak ang biktima ngunit hindi na ito sumagot sa kabila ng paulit-ulit na tawag.

Umaga ng Enero 6 nang makatanggap ng abiso ang anak ng biktima tungkol sa mga withdrawal transaction mula sa mga ATM card ng kaniyang ama, dahilan upang iulat niya sa mga awtoridad na nawawala ang kaniyang ama.

Sa police report ng QCPD, makikita sa CCTV footage na dinukot ang biktima ng dalawang suspek sa kahabaan ng Xavierville Ave., Brgy. Loyola Heights, Quezon City, dakong 8 a.m.

Nakita sa CCTV mula sa dalawang bangko na hindi ang biktima, kundi ibang mga lalaki ang kumuha ng pera sa ATM. Ito na rin ang naging daan para maaresto sila kalaunan.

Samantala, ayon sa ulat ng pulisya, narekober sa mga suspek ang isang .22 Black Widow 9mm na baril na kargado ng limang live ammunition; isang hand grenade; pitong mobile phone; ATM card; iba’t ibang ID at isang camouflage sling bag.

Natagpuang abandonado ang sasakyan ng biktima sa isang kalye sa Miramonte Park sa Caloocan City.

Noong Enero 9, bandang alas-12:05 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakaburol sa isang bakanteng lote sa San Jose Del Monte, na may mga ligature mark sa leeg, at nakaposas ang mga kamay.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend, inamin mismo ng mga suspek ang pagdukot at pagpatay sa biktima, at itinuro ang kaniyang pinaglibingan sa Bulacan.

Naaresto ang mastermind, na gumagamit ng dalawang magkaibang pangalan, kasunod ng isang hot pursuit operation.

“Kumu-contact pa rin kasi ‘yung mastermind sa kaniya so ang ginawa, magkikita raw sila para ibigay ‘yung kulang na bayad na P100,000,” ani QCPD CIDU chief Police Major Dondon Llapitan.

“Ang tinitingnan nating anggulo at medyo nilalaliman pa rin natin, ‘yung sa lupa, sa mga titulo. Kasi ‘yun din ang ni-reveal ng ating suspek,” dagdag ni Llapitan.

“Tinape po tapos sinakal lang po, naka-tape po ‘yung buong mukha niya eh, tinape po nu’ng isang kasama namin. Tatlo po kami. Hawakan ko raw, tapos si sir Noli po kumuha po bale ng isang bakal, ‘yun ‘yung ipinangkalang niya para maging matigas ‘yung tali, hindi siya gumalaw,” pagsasalaysay ng isa sa mga suspek.

“Hinire lang po ako para magpanggap na buyer ng tilapia, that’s it then naipit na po kami sa sitwasyon,” saad ng isa pa.

Isinailalim ang mga labi ng biktima para sa autopsy, habang dinala sa CIDU ang mga naarestong suspek, kasama ang mga nakuhang ebidensya, para sa imbestigasyon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*