Sonny Angara, sinimulan na ang pamumuno sa DepEd; nagbitiw na rin bilang senador

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Sinimulan na ni Sonny Angara ang kaniyang trabaho bilang bagong kalihim ng Department of Education (DepEd). Kasabay naman nito ang pagbibitiw niya bilang isang senador.

Nitong Huwebes, idinaos ang turned over ceremony sa DepEd Complex sa Pasig City, at ipinasa na ni Vice President Sara Duterte kay Angara ang pamumuno sa kagawaran.

Bago nito, inilibot muna ni Duterte si Angara sa loob ng gusali ng DepEd.

Sa kaniyang huling talumpati bilang papaalis na kalihim ng DepEd, ibinida ni Duterte ang mga proyekto at programa na isinagawa sa loob ng dalawang taon ng kaniyang pamumuno sa kagawaran ng edukasyon.

Kabilang dito ang Matatag agenda, K to 10 Matatag Curriculum, ang pagrepaso Senior High School curriculum, ang paglulunsad ng National Learning Recovery Plan, at pagbabalik ng in-person classes.

“Ngunit aaminin ko na sa ikli ng panahon, may mga hakbang na sadyang hindi natin natapos,” ayon kay Duterte.

“Nais kong ipaubaya ito sa ating susunod na kalihim ng kagawaran,” dagdag niya.

Hiniling niya sa DepEd na mainit na tanggapin si Angara, gaya ng ginawang pagtanggap sa kaniya.

“We would like to warmly welcome Secretary Sonny Angara to the Department of Education family. Welcome to the chaos, Sec.,” biro ni Duterte kay Angara.

‘New Chapter’

Sa kaniya namang talumpati, tiniyak naman ni Angara na kaagad siyang magtatrabaho.

“Buong pagpapakumbaba kong tinatanggap ang katungkulan na ito, bilang tugon sa tiwala at hamon ng ating Pangulo na higit sa pag-ibayuhin ang mga programa na magsusulong sa mataas na kalidad ng karunungan para sa ating mga mag-aaral,” ayon kay Angara.

“Gagawin natin ang lahat para makamit ang mga pagbabago at reporma na naayon sa mga layunin ng isang Bagong Pilipinas,” dagdag pa niya.

Pinasalamatan naman ni Angara si Duterte at iba pang opisyal ng DepEd na nagbitiw para sa mga nasimulan nilang programa at maayos na pagsasalin ng posisyon.

“We will build from what you have already started….As we assume our role and start a new chapter for DepEd, we want to hit the ground running and we want to learn from all of you here as we go along,” saad ng bagong kalihim.

“Please help us in this journey as education is a pillar of our nation’s progress. It is only through a nation’s efforts that education will be improved and made more effective. I hope we can all work together,” dagdag pa niya.

Nagbitiw bilang senador

Kasabay ng pag-upo sa bagong trabaho bilang kalihim ng DepEd, nagpadala na rin ng sulat si Angara kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, para ipaalam ang kaniyang pagbibitiw bilang senador na epektibo nitong Huwebes, July 18.

“I have served our countrymen through the Senate of the Philippines for 11 years. And in that period, I have been able to shepherd landmark legislation making quality education and healthcare more accessible; increasing the take-home pay of our workers; increasing the social pensions of senior citizens; exempting PWDs from VAT; giving incentives to our national athletes and coaches; and providing bigger support to Tatak Pinoy industries, among many others,” saad ni Angara sa kaniyang resignation letter.

“The portfolio that I will be taking on as DepEd Secretary is riddled with very serious challenges. But I am confident that with your support and of the rest of my colleagues at the Senate, these challenges are surmountable,” dagdag niya.

Nakatakda sanang magtapos sa June 2025 ang termino ni Angara bilang senador matapos siyang mahalal sa naturang posisyon ng dalawang ulit.

Una siyang nahalal na senador noong 2013 elections para sa anim na taong termino; at muling nahalal noong 2019 para sa panibagong anim na taon na magtatapos sa 2025.

Ang bawat senador ay maaari lamang tumakbo sa naturang posisyon ng dalawang magkasunod na beses kapag nanalo. Matapos ng dalawang magkasunod na termino o kabuuang 12 taon bilang senador, kailangan muna nilang “magpahinga” ng isang eleksyon bago sila maaaring tumakbo muli sa katulad na posisyon.

Sa panahon ng kanilang “pahinga,” maaari naman silang tumakbo sa ibang posisyon sa halalan maliban sa posisyon ng pagiging senador. —FRJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*