Nasawi ang isang babaeng anim na taong gulang, at sugatan naman ang kaniyang ama at ina matapos na salpukin ng isang SUV ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Naga, Cebu.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV “State of the Nation” nitong Miyerkoles, sinabing papunta sana sa bayan ng San Fernando para mamasko ang pamilya nang mangyari ang trahedya.
Nasawi ang bata, habang sugatan ang kaniyang mga magulang, at kritikal ang lagay ng padre de pamilya.
Bumangga naman ang SUV sa isang bahay na minamaneho ng 21-anyos na driver na nakatulog umano habang nasa biyahe.
Napag-alaman na kalilibing lang ng ina ng driver dalawang araw bago magpasko kaya kulang umano siya sa tulog dahil sa mga lamay.
Humingi siya ng patawad sa nangyari.
Desidido naman ang mga kaanak ng mga biktima na sampahan siya ng kaso. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment