Tinawag na kasinungalingan ng pamilya ng pinatay na pulis sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang binigay na detalye ng mga suspek hinggil sa pagpatay sa biktima, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
“For the past few days, there was a malicious news spreading that my father and a certain demonic woman was caught in the act of sexual activity that resulted to the shooting of my father committed by her demonic husband,” sabi ng pamilya sa isang pahayag sa Facebook.
(Nitong mga nakaraang araw, may kumakalat na malisyosong balita na ang aking ama at isang demonyong babae ay nahuli sa aktong nagtatalik na nagresulta sa pamamaril sa aking ama na ginawa ng kanyang demonyong asawa.)
“This report was based on the ‘FALSE’ extrajudicial confession made by these two demonic individuals who killed my father,” dagdag nila.
(Base lamang ang report na ito sa ‘maling’ extrajudicial confession na ginawa ng dalawang demonyong indibidwal na ito na pumatay sa aking ama.)
Ayon sa mga naunang ulat, binaril ang police executive master sergeant noong November 28 ng kapwa niya pulis nang mahuli umano ng suspek sa isang “very intimate” na sitwasyon ang biktima kasama ang asawa ng suspek na isa ring pulis.
Sinabi ng Southern Police District (SPD) na ayon sa pahayag ng lalaking suspek, gumamit siya ng lagari para putol-putulin ang katawan ng biktima. Dinala at inilibing niya ang katawan ng biktima sa kaniyang ancestral house sa Baguio City.
Natagpuan ang bangkay ng biktima noong December 5 matapos ituro ng suspek sa pulis kung saan niya ito nilibing.
Dahil dito, sinabi ng SPD na “crime of passion” ang tinitingnang anggulo sa imbestigasyon.
Ngunit, hindi naniniwala ang pamilya ng biktima sa pahayag ng mga suspek, at sinabing pinagplanuhan ang pagpatay sa kanya at nasa 10 hanggang 20 tao pa ang may kinalaman sa krimen.
“For clarity, it was a set up that started by a forcible abduction, and merciless tortures that resulted to the tragic death of my father. It was planned and prepared since March 2024 up to present, to kill my father once he visit Manila perpetrated by these two demonic individuals…” sabi ng pamilya.
(Para linawin, ito ay isang setup na nagsimula sa pagdukot, at walang awa na pagpapahirap na nagresulta sa kalunus-lunos na pagkamatay ng aking ama. Pinlano at inihanda mula Marso 2024 hanggang sa kasalukuyan na patayin ang aking ama sa sandaling bumisita siya sa Maynila na ginawa ng dalawang demonyong indibidwal na ito.)
“Yes their cohorts, this demonic crime was not only committed by these two but more or less 10 to 20 other demonic individuals,” dagdag pa nila.
(Oo meron silang mga kasama, ang demonyong krimen na ito ay hindi lamang ginawa ng dalawang ito kundi nasa 10 hanggang 20 iba pang mga demonyong indibidwal.)
Maaring maharap sa kasong murder ang mag-asawang pulis na ngayon ay nasa kustodiya na ng awtoridad, ayon sa SPD.—Joviland Rita/AOL, GMA Integrated News
Be the first to comment